Parak natagpuang patay sa barracks

Hindi muna tinukoy ng General Lunas Police ang pangalan ng pulis habang hindi pa umano naiimpormahan ang kanyang pamilya sa sinapit nito.
STAR/File

MANILA, Philippines — Isang senior police officer ang natagpuang patay at sinasabing aksidenteng nabaril ang sarili habang nililinis ang kanyang service firearm sa loob ng barracks ng police station sa General Luna, Quezon.

Hindi muna tinukoy ng General Lunas Police ang pangalan ng pulis habang hindi pa umano naiimpormahan ang kanyang pamilya sa sinapit nito.

Ang duguang katawan ng senior police offi­cer, nakatalaga sa General Luna Police Station, ay nadiskubre ng kanyang kapwa pulis sa loob ng barracks nitong Martes.

Narekober din ng mga imbestigador ang cleaning kit malapit sa nakabulagtang katawan ng nasabing biktima.

Nauna sa insidente, naglilinis umano ang biktima ng kanyang baril nang biglang makarinig ang mga kasamahang pulis ng putok mula sa barracks.

Dahil dito, hinihinala na aksidenteng pumutok ang baril habang ito ay nililinis ng biktima.

Sinabi naman ni Col. Ledon Monte, Quezon police director, na titiyakin nilang mabibigyan ng moral at financial support ang naiwang pamilya ng nasabing pulis, at mapabilis ang pagpapalabas ng benefit claims nito.

Show comments