10-anyos na nawawala sa Bulacan natagpuang nakalutang sa ilog

SAN MIGUEL, Bulacan, Philippines — Bangkay na nang matagpuan habang nakalutang sa isang ilog ang isang batang lalaki sa Brgy. Tigpalas ng nasabing bayan na kamakailan ay napaulat sa social media na nawawala.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Rodney de Leon, 10-anyos, at residente ng Brgy.Tigpalas.

Sa report ng San Miguel police kay PLTCOL Jacquiline Puapo, OIC Bulacan police director, nangyari ang insidente bandang alas-2:00 ng tanghali nitong Hunyo 13 sa ilog sakop ng Sitio Apalit, Brgy. Tigpalas.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na naliligo ang biktima kasama ang dalawang batang kalaro nang mapadpad sa malalim na bahagi ng ilog hanggang sa lumubog at hindi na nakita.

Bandang alas-8:13 ng umaga nitong Hunyo 15, ­ilang residente ang naka­kita sa isang namamagang bangkay na palutang-lutang at nakahambalang sa mga kawayan sa ilog ng Brgy. San Agustin na kalaunan ay kinilala ng mga kaanak na ito ang nawawalang si Rodney.

Sinasabing sa takot ng mga batang kalaro ay hindi agad nila nasabi sa pamilya ng biktima na nalunod ito kaya napaulat ito sa social media na nawawala.

Bumuhos ang pakikiramay ng mga netizen, kaanak at kakilala sa pamilya ng batang nasawi.

Show comments