50 troso ng narra, nasabat

MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Sa patuloy na implementasyon ng Oplan Kalikasan, 50 iligal na mga troso ng narra ang nasabat sa lalawigang ito matapos ang buy-bust ope­ration na isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit 3 (CIDG-RFU3) kasama ang Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO), Bulacan Police Provincial Office (BPPO), Pandi Municipal Police Station at City Environmental and Natural Resources (CENRO) na ginanap sa Matiaga St., San Roque, Pandi, Bulacan noong Martes.

Dalawang suspek ang inaresto at 43 piraso ng 1x10x6 pulgada at pitong piraso ng 1x10x7 pulgada ng troso na narra ang nakumpiska na may tinatayang market value na humigit kumulang P45,000 kasama ang isang sasakyan.

Kasunod ng mata­gumpay na implementasyon ng pansamantalang pagsuspindi sa pagmimina, nakiusap si Gob. Daniel Fernando na itigil na ang pagsasagawa ng mga iligal na aktibidad sa lalawigan at siniguro na ang mga gumagawa ng iligal ay haharap sa naaayong kaparusahan.

Nahaharap ngayon ang mga naarestong suspek sa kasong pag­labag sa PD 705 o ang illegal possession of timber – narra at inihahanda na para sa pagsasampa sa Bulacan Provincial Prosecutor’s Office sa lungsod na ito.

Show comments