SUBIC BAY FREEPORT, Philippines — Binalaan kahapon ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) chairman at administrator Rolen Paulino sa mga taong sangkot at nagbabalak na magsagawa ng smuggling activities sa loob ng Freeport na hindi makakatakas sa kanyang pamamahala.
“Not on my watch!” ani Paulino bilang sagot sa pahayag ni Albay Congressman Joey Salceda na isara na lang ang Subic Bay Freeport dahil sa talamak umanong smuggling.
Ayon kay Salceda, chairman ng House Committee on Ways and Means, magsasagawa sila ng imbestigasyon kaugnay sa umano’y talamak na smuggling sa Freeport.
Sa kabila nito, pinuri ni Paulino ang pagkakahuli sa mga smuggling goods matapos ang magandang ugnayan ng kanyang tanggapan sa ilang ahensya upang matagumpay na mapigilan ang smuggling sa Freeport.
Aniya, bago pa ang pagdaong ng shipment sa Freeport ay nagsasagawa muna ng Ship Pre-Arrival Meeting (SPAM) ang SBMA upang tiyakin na ang naturang mga kargamento ay hindi misdeclared, misclassification at under value. Sakali umanong magkaroon ng kaduda-dudang shipment ay iniimbestigahan ito ng Bureau of Customs-Port of Subic at sinasampahan ng kaukulang kaso.
Gayunman, ang pagkakahuli umano sa mga smuggling goods na nagtatangkang pumasok sa Freeport ay nangangahulugan na ang SBMA at iba pang ahensiya ng gobyerno ay ginagampanan ang kanilang trabaho.
“We believe that Representative Salceda is only looking out for the good of the country, but closing the Subic Bay Freeport is not the answer to stop the smuggling, especially of agricultural products,” ayon pa kay Paulino.
Iginiit pa ni Paulino na libong manggagawa ang mawawalan ng trabaho at bilyong dolyar na kita sa mga shipment ang mawawala sa national government at babagsak din umano ang mga negosyo at turismo sa Freeport sakaling isara ito.