PAGBILAO, Quezon, Philippines — Himalang nakaligtas sa tiyak na kapahamakan ang mag-asawang negosyante makaraang mahulog ang sinasakyan nilang delivery van sa Diversion road , Upper Sapinit, Barangay Silangang Malicboy sa bayang ito, kahapon.
Pawang mga gasgas lamang ang tinamo ng mag-asawang Jose at Yobel Bayot sa kabila ng nasa 50 metrong lalim ng bangin na kanilang pinagkahulugan bandang alas-3:30 ng hapon.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, galing sa Metro Manila ang delivery van ng mag-asawa at idedeliver sa Bicol Region ang karga nilang mga isda.
Habang binabagtas umano ni Jose ang diversion road ay nawalan ito ng kontrol sa manibela dahil sa madulas na kalye na idinulot ng pag-ulan.
Kinabig umano ni Jose ang manibela ng sasakyan pakaliwa subalit nagdire-diretso itong bumulusok sa bangin.
Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng Pagbilao Rescue team at pulisya at inalis sa pagkakaipit sa loob ng sasakyan ang mag-asawa.