MAGUINDANAO, Philippines — Arestado ang isang barangay kagawad at ang isa pa nitong kasamahan matapos na mahulihan ang mga ito ng P3.4 milyong halaga ng ipinagbabawal na droga sa inilunsad na drug operations sa national highway ng Barangay Tambo, Sultan Mastura, Maguindanao kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga inaresto na sina Ibra Farhan, 43-anyos, kagawad ng barangay sa Barangay Guinaopan, Tamparan, Lanao del Sur at isang Alinor Taurac, 40-anyos.
Ayon kay Director Gilbert Buenafe ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-BARMM), ang mga suspek ay nagbenta ng 500 gramo ng shabu sa isang undercover agent ng PDEA, pasado alas-4:00 ng hapon nitong Biyernes.
Tinangka pang tumakas ng mga suspek matapos na malaman nilang mga PDEA agents ang kanilang katransaksyon pero bigo na silang makatakas.
Ang dalawa ay nasa kuskodya ng PDEA-BARMM headquarters sa PC Hill, Cotabato City at kakasuhan sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.