MANILA, Philippines — Dalawa katao ang nasawi habang 17 pa ang nailigtas makaraang aksidenteng lumubog ang isang speedboat sa karagatang sakop ng Brgy. Bonbon sa Patikul, Sulu, ayon sa isang opisyal kahapon
Sinabi ni National Task Group-Sulu at 4th Marine Brigade Commander Col. Hernanie Songano, dakong alas-5:30 ng umaga nitong Biyernes nang ireport ng mga mangingisda ang paglubog ng Jungkong speedboat sa karagatan ng Bakungan Island sa Brgy. Bonbon ng nasabing bayan.
“Originally our men onboard Multi-Purpose Assault Craft BA485 were searching for ML ‘Putli Dahiran’ which was reported to be in distress,” pahayag ni Songano.
Si Songano ang inatasan ni Joint Task Force (JTF) Sulu commander Maj. Gen. William Gonzales si Col. Songano para magsagawa ng search and rescue operation.
Habang sinusuyod ang karagatan, unang nasagip ang tatlong pasahero ng Friendly Jungkong speedboat kabilang ang isang 1-anyos na sanggol bandang alas-8:35 ng gabi, ilang oras matapos lumubog noong Huwebes ang nasabing sasakyan lulan ng 19 pasahero at isang crew.
Ang speedboat ay umalis sa pantalan ng Port Holland, Maluso, Basilan noong Huwebes ng gabi bago mangyari ang trahedya.
Sa isinagawang operation, sumunod na nasagip ang 9 pang pasahero sa karagatan ng Tambanan Island sa Luuk, Sulu.
“Through coordination and persistent efforts in coordination with the Philippine Coast Guard and PNP Maritime aboard Sulu, two others were rescued and two cadavers were recovered at around 8:30am (Friday) also at the waters off Tambanan,” anang heneral.
Ang narekober na dalawang bangkay ay patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan.
Ang iba pang survivors ay magkakasunod namang nailigtas ng mga sundalo katuwang ang mga tauhan Sulu Municipal Disaster Risk Reduction Center sa superbisyon ni Julkipli Ahijon nitong Biyernes at nilapatan na ng atensyong medikal sa himpilan ng 4th Marine Brigade sa Brgy. Tandu Batu, Luuk.