Tuguegarao City, Cagayan, Philippines -- Gaya ni Heneral Tomoyuki Yamashita, sumuko na rin ang grupo ng batikang director na si Joyce Bernal at aktor na si Piolo Pascual na umasang mapapahintulutan pang makapag-shooting sa Kiangan, Ifugao noong Martes.
Nabatid na sa halip ay humingi na lamang ng mga larawan ng magagandang tanawin sa bayan si Bernal sa pangambang mabibigo lamang siya at kanyang grupo sa kanilang hangaring makapag-shoot para magamit sa SONA ni Pangulong Duterte.
Sa Kiangan sumuko ang mabagsik na pinuno ng Japanese Imperial Army na si Yamashita na kilala bilang “Tiger Malaya” na matagal na tinugis ng mga hukbo ng USAFFE. Ang paglantad ng heneral ay kasunod ng pagsuko ng bansang Japan na nagtuldok sa ikalawang digmaang pandaigdig noong 1945.
Sinabi sa PSN ni Kiangan Mayor Raldis Aldrei Bulayungan na hindi na humarap sa kanyang tanggapan ang aktor at sa halip ay si Bernal at isang “Sales” ang nakipag-ugnayan sa kanya na tumagal ng sampung minuto.
Ani Bulayungan, napagkasunduan ng kanyang staff na bigyan na lamang ng pahintulot si Bernal na mangopya ng mga larawan ng Kiangan sa kanilang social media fan page.
Ayon kay Bulayungan, pinadaan ng COVID-19 checkpoint sa Kiangan ang grupo dahil may taglay silang IATF passes na pinagkaloob ng Malacañang.
Aniya, sumailalim rin ang grupo sa health check up sa Kapitolyo ng Lagawe bago nagtuloy at nakarating sa kanyang teritoryo pasado alas- 2:00 ng hapon.
Sinabi ng Mayor na sinamahan na lamang ng kanyang Tourism Officer ang grupo ni Bernal at Pascual sa kanilang pagtanaw ng bundok na kinasasadlakan ng bantayog ni Yamashita na noon ay nabalutan ng ulap bago sila nagtuloy ng Baguio City.
Matatandaan na magkasunod na pagtataboy ang dinanas ng grupo ni Bernal sa Sagada, Mt. Province at Banaue, Ifugao matapos hindi sila pinahintulutan ng lokal na pamahalaan at mga mamamayan na maglagi doon dahil sa umiiral na lockdown sa mga bisitang mula sa COVID-19 hotspots.