7 pa naaktuhan sa pot session
CAVITE, Philippines -- Dobleng “accomplishment” ang naging resulta ng warrant operation na ikinasa ng Imus Police laban sa target na babaeng karnaper at nadiskubreng isa rin palang drug den ang bahay nito nang maaktuhang nagsasagawa ng pot session ang pitong katao kamakalawa ng gabi sa Pasong Santol, Brgy. Anabu 2-F, Imus City.
Naaresto ang target sa operasyon na si Roberta Sareal Cristobal alias “Ruby Sarreal”, nasa hustong gulang na wanted person sa kasong paglabag sa Anti-Carnapping Act of 2016.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-7:40 ng gabi nang isagawa ang operasyon upang isilbi ang warrant of arrest laban kay Cristobal.
Pagdating ng raiding team sa bahay ng suspek, agad siyang natagpuan subalit bigla siyang tumakbo papasok ng kanyang bahay. Dito na siya sinundan ng mga pulis at pagpasok ng grupo sa bahay ay dito bumulaga ang pitong katao na umano’y sumisinghot ng shabu.
Nakilala ang pito na sina Astrolina Maestrocampo, Edgardo Buenviaje, Jr., Kathleen Corpuz, Denver Sobremonte, Elgin Redondo, Jayson Mojica at Jimson De Castro; pawang mga regular na kustomer umano ng suspek sa droga.
Nakarekober ang pulisya sa loob ng bahay ng target na suspek ng walong plastic sachet na may lamang shabu, tatlong plastic sachet na pinaggamitan ng shabu, dalawang aluminum foil, isang strip at isang disposable lighter.