STA. ROSA CITY, Philippines — Aabot sa 18 opisyal ng lokal na pamahalaan ng Santa Rosa City, Laguna ang hiniling na isailalim sa “preventive suspension” sa Office of the Ombudsman kahapon.
Sa 3-pahinang Urgent Motion for Issuance of Preventive Suspension na isinumite ni Pablito Morte Encina sa anti-graft body, kabilang sa mga pinasususpinde ay sina Rep. Arlene Arcillas, Mayor Danilo Ramon Fernandez, Vice Mayor Arnold Arcillas, Treasurer Laura Sy, Budget Officer Nenita Cartagena, acting Engr. Myles Funtila, Accountant Sheila Manuel, at mga konsehal na sina Roy Gonzales, Ina Clariza Cartagena, Dr. Sonia Algabre, Rodrigo Malapitan, Mariel Cendana, Jose Joel Aala, Wifredo Castro, Antono Tuzon, Arthur Tiongco, Eric Puzon at Oscar Ong-iko.
Ayon kay Encina, ang mga opisyal ay sinampahan kamakailan ng mga kasong administratibo sa paglabag sa Revised Administrative Code of 1987 of Civil Service; Gross Neglect of Duty; Grave Misconduct; Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service at mga probisyon ng Republic Act (RA) 9184 at kasong kriminal sa paglabag sa Section 3 (e) ng RA 3019 at Act 3815, Title Vll, Chapter 2, Article 208.
Sinabi pa na ang kaso na may kinalaman sa “dishonesty, grave misconduct” or “neglect in the performance of duty ay may katiyakang magtatanggal sa public service, at ang pananatili sa kani-kaniyang pwesto ay posibleng makaapekto sa tunay na proseso ng kaso.
Wala umanong batas na nagbabawal na patawan ng ‘”preventive suspension” ang 18 opisyal kahit sa panahon ng halalan kung saan malinaw ito na nakasaad sa Section 16 ng Resolution 10475 ng Commission on Elections na may petsang Enero 7, 2019.