MAGUINDANAO, Philippines — Tiniyak ni Mayor Bai Mariam Sangki Mangudadatu ng bayan ng Datu Abdullah Sangki (DAS) sa lalawigan ng Maguindanao na kanyang isusulong ang pagpapaangat sa buhay ng kanyang mamamayan at susuportahan ang anti-drug war ng pamahalaan.
Ginawa ni Mangudadatu ang pahayag kasabay ng ika-14th Foundation Anniversary at 4th Kagalawan Festival ng DAS nitong Agosto 20. Isa sa mga highlight ng programa ay ang pamimigay ng 20 wheelchairs at walking cane sa mga senior citizens.
Sinabi ni Mangudadatu na nang umupo siya limang taon na ang nakararaan bilang punong ehekutibo ng bayan ay laganap ang kahirapan sa bayan ng DAS. Aniya, isang malaking hamon sa kanyang pamunuan kung paano nito mapapaangat ang kabuhayan ng kanyang mamamayan.
Batay sa istatistika, walo sa 10 mamamayan sa DAS noon ay mahihirap.
Bumuo na ang alkalde ng mga programang pangkabuhayan, habang pinalakas ang serbisyo sa pangkalusugan at edukasyon para sa mamamayan ng DAS. Ang DAS ay ang 6th class municipality ng Maguindanao na sakop ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Suportado rin ng alkalde ang paglaban sa illegal na droga sa bayan kung saan dalawa sa 10 barangay ay idineklara na ng Philippine Drug Enforcement Agency bilang drug-free barangays.