6 sundalo sugatan sa ambush

Kinilala ni Lt. Randy Llunar ang mga sugatan na sina 2nd Lt. Rustine Barco, Cpl. Ronie Gutierez, Cpl. Roldan Parcon, Cpl. Shanon Obaldo, Pvt. Rolando Bublao at 1st class Dennis Andol.

MANILA, Philippines — Anim na sundalo ang nasugatan makaraang masabugan ng landmine at nasundan ng pamamaril ng mga pinaghihinalaang miyembro ng New People’s Army sa naganap na ambush sa bahagi ng Brgy. Doles, Magpet, North Cotabato, kahapon ng hapon.

Kinilala ni Lt. Randy Llunar ang mga sugatan na sina 2nd Lt. Rustine Barco, Cpl. Ronie Gutierez, Cpl. Roldan Parcon, Cpl. Shanon Obaldo, Pvt. Rolando Bublao at 1st class Dennis Andol.

Ayon sa ulat, dakong ala-1:30 ng hapon nang maganap ang insidente, habang sakay ang mga sundalo sa apat na military vehicle galing sa medical at dental mission program na isinagawa ng provincial government ng North Cotabato sa Brgy. Binay.

Unang sumabog ang itinanim na landmine at sinundan ng pamamaril dahilan para masugatan ang mga sundalo at pagkasira ng nasabing mga sasakyan.

Mabilis namang isinugod sa Madonna Hospital dito sa Kidapawan City ang mga sugatan.

Malaki ang paniniwala ni Llunar na kagagawan ng New People’s Army ang nasabing pananambang.

Agad namang tinutugis ng mga tropa ng militar gamit ang air attack ang mga rebeldeng grupo.

Show comments