MANILA, Philippines — Bumulagta noon din ang dalawang notoryus na tulak ng iligal na droga matapos na makipagbarilan ang mga ito sa mga otoridad sa isinagawang anti-drug operation sa limang barangay sa bayan ng Polomolok, South Cotabato nitong Huwebes ng madaling araw.
Kinilala ni Chief Inspector Aldrin Gonzales, Spokesperson ng Police Regional Office (PRO) 12, ang mga napatay na suspek na sina Ruben Porsuelo at Bobong Jamelo, pawang mga residente ng Brgy. Magsaysay sa naturang munisipalidad.
Dakong alas-3:00 ng madaling araw ng magsagawa ng One Time Big Time (OTBT) Operation ang mga operatiba ng pulisya sa Brgy. Poblacion, Rubber, Lumakil, Magsaysay at Silway, pawang sa bayan ng Polomolok laban sa mga pinaghihinalaang drug pushers at users sa lugar.
Sa naturang operasyon ay agad umanong nagpaputok ang mga suspek laban sa raiding team dahilan upang gumanti ng putok ang mga operatiba kung saan nasapol ang dalawa na tumimbuwang noon din.
Ang mga suspek ay kapwa idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang mga katawan.
Nagresulta naman ang naturang operasyon sa pagkakaaresto ng 16 pang mga pinaghihinalaang drug pushers sa lugar.
Narekober naman sa operasyon ang pitong mga armas at mga granada na gamit ng ilan sa mga suspek.