CAMARINES NORTE c - Umaabot sa P3 milyong halaga ng ari-arian ang naabo makaraang masunog ang lumang munisipyo ng San Lorenzo Ruiz sa Purok 1, Barangay Matacong, Camarines Norte noong Sabado ng hapon.
Sa ulat ni FO1 Argie Barco, spokesperson ng BFP Camarines Norte, kabilang sa mga nasunog na tanggapan ay ang BIR, DILG, Municipal Trial Court, Commission on Election (Comelec), PESO, Local Water System at ang municipal police station.
Nadamay din sa sunog ang kaliwang bahagi ng dalawang palapag na bagong police station na nakatakda sanang basbasan sa mga susunod na buwan.
Nagsimula ang sunog dakong alas-3:38 ng hapon na sinasabing pinagmulan ng apoy ang stock room na nag-init ang dikit-dikit na kable ng kuryente bago sumiklab.
Naapula ang sunog nang rumesponde ang mga bombero mula sa mga bayan ng Daet at Basud makalipas ang apat na oras.
Wala namang napaulat na may nasugatan o namatay sa nasabing sunog.
Samantala, ayon naman kay Atty. Francis Nieves, tagapagsalita ng Comelec, nagawa namang maisalba ang soft copy ng voter’s data base bago tuluyang natupok ang kanilang tanggapan.