Ex-councilor dedo sa raiding team

NORTH COTABATO, Philippines – Bumulagta ang dating municipal councilor matapos itong manlaban sa mga ope­ratiba ng PNP Region 12 sa inilatag na operasyon sa mga kabahayan sa Barangay Maulanan, bayan ng Pikit, North Cotabato kahapon ng madaling araw.

Sa police report na nakarating kay P/Chief Insp. Bryan Placer, hepe ng Pikit PNP, kinilala ang napatay na si ex-Councilor Dindo Piang.

Si Piang ay naka-tatlong termino bilang konsehal sa bayan ng Pikit kung saan tumakbo itong bise alkalde subalit natalo noong May 9 elections.

Nasa loob ng bahay ang biktima kasama ang anak nang mag-search operation ang mga awtoridad kung saan lumabas ito sa bintana patungong palikuran pero wala itong dalang armas.

Sa salaysay ng anak na si Amir, namataan niya ang ama na nasa labas na ng bahay at itinataas na nito ang mga kamay na nagpapakitang sumuko sa mga awtoridad.

Gayunman, nakarinig ang pamilya ng biktima ng sunud-sunod na putok ng baril kaya dumapa na rin sila at hindi na nakita ang mga sumunod na pangyayari.

Nabatid na si Piang ay isa sa target ng tatlong search warrant na may kinalaman sa droga.

Kabilang ang bahay ni P/Senior Insp. Sindato Karim, deputy chief ng Pikit PNP sa hinalughog ng mga kasamahang pulis kung saan nasamsam ang isang M16, M14 at cal. 45 pistol.

Nilinaw naman ni Karim na ang nasabing mga armas ay nakapangalan sa kanyang anak na miyembro ng BPAT.

Show comments