May-ari ng meat shop, itinumba

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Napatay ang 31-anyos na tra­der matapos itong pagbabarilin ng tatlong kalalakihan sa loob ng kanyang meat shop sa Barangay Bonbon, bayan ng Libon, Albay kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa ulo ang biktimang si Erickson Regondola, may asawa, at nakatira sa Barangay Sagrada sa nasabing bayan. Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Marlo Meneses, naganap ang pamamaril sa meat shop ng biktima kung saan nagpanggap na bibili ng isang kilong karne ng baka ang gunmen. Habang inaayos ng biktima ang biniling karne ay pinutukan na ito sa ulo at katawan saka tumakas ang gunmen. Sinisilip naman ng pulisya ang anggulong alitan sa negosyo ang isa sa motibo sa pamamaslang.

Show comments