NORTH COTABATO, Philippines – Nagbigay ng reaksyon si MILF Spokeman Ghadzali Jaafar sa posisyon ni Sen. Bongbong Marcos na isuspinde ang hearing sa Bangsamoro Basic Law (BBL).
Aniya, lalong magpapa-delay ito sa peace process.
“Kung walang Bangsamoro government ay mangyayari pa ang mga pangyayaring ‘di-kanais-nais,” pahayag pa ni Jaabar
Samantala, tahasang sinabi rin ni Jaafar na walang nalabag na probisyon sa AHJAC agreement ang kanilang grupo sa madugong engkwentro sa Barangay Tukanalipao at Barangay Inug-og sa bayan ng Mamasapano, Maguindanao.
Sinabi pa ni Jaafar na ang nangyaring bakbakan ay “unforunate at uncalled for” o hindi dapat mangyari.
Nanindigan si Jaafar na pumasok ang PNP-SAF sa kanilang teritoryo at hindi man lang nakipag-ugnayan.
Dahil dito, ang pamunuan ng MILF ay nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng mga pulis na napatay sa bakbakan.
Nagpaliwanag din si Jaafar na wala sa kanilang teritoryo sina Zulkifli Bin Hir alyas Marwan at si Kumander Basit Usman ng Jemmaah Islamiyah pero posibleng nandoon lang malapit sa kanilang lugar.
Disamayado naman ang Suara Bangsamoro sa pagpapaliban ng hearing para sa Bangsamoro Basic Law.
“Tila hindi makatarungan na gawing rason ang nangyaring engkuwentro ng Special Action Force ng PNP, Moro Islamic Liberation Front sa Mamasapano, Maguindanao,” paliwanag ni Suara Bangsamoro National President Amerah Lidasan.
Nagdududa rin ang pamunuan ng Suara Bangsamoro sa timing ng raid dahil itinaon sa araw kung saan dinidinig ang BBL sa Senado.
Umapela ang progresibong grupo na sana pagtuunan ng pansin ang pagdinig sa BBL.