QUEZON , Philippines – Sinalubong ni kamatayan ang dalawang sibilyan na lulan ng motorsiklo matapos itong mabangga at makaladkad ng pampasaherong bus sa kahabaan ng Quirino Highway sa Barangay Bagong Silang, bayan ng Tagkawayan, Quezon kamakalawa ng gabi. Halos hindi na makilala ang dalawa dahil sa tindi ng mga tinamong sugat sa ulo at katawan nina Jimmy Millares, 25; at Cesar Comple, kapwa nakatira sa nabanggit na bayan. Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-11 ng gabi ay tinatahak ng dalawang lulan ng motorsiklo ang Quirino Highway nang tumbukin ito ng Manila bound na JVH-Bus (EBY-547) na minamaneho ni Gener Bataller ng Albay. Nakaladkad pa ng may 50 metro ang mga biktima bago huminto ang bus kung saan sumuko naman ang driver.