BAGUIO CITY, Philippines — Lima sa 12-notoryus na drug pushers na tinutugis ng mga operatiba ng Phil. Drug Enforcement Agency sa Ilocos region ang kasalukuyang nasa kulungan na kabilang ang ikalimang tulak. Si Nestor Costales, 58, na sinasabing ikalimang suspek sa pagtutulak ng bawal na droga ang nasakote sa pamilihang bayan ng Sta. Maria sa Maynganay noong Huwebes ng umaga. Nasamsam sa suspek ang 12 sachets ng shabu na nagkakahalaga ng P6,000. Ayon kay Bismark Bengwayan, spokesperson ng PDEA-Region 1, si Costales na nasa Priority Target List ay isinailalim sa pagmamanman kaugnay sa pagbebenta ng bawal na droga. Sakaling mapatunayan guilty si Costales sa paglabag sa sections 5 at 11 ng Article II ng RA 9165 ay habambuhay itong makukulong at magbabayad ng P.5 milyon hanggang P1 milyon.