MANILA, Philippines - Lima-katao kabilang ang isang sanggol ang iniulat na nasawi habang 15 naman ang nasugatan sa naganap na karambola ng tatlong sasakyan sa KM 20, Los Amigos, Tugbok District sa Davao City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga biktimang namatay na sina Baby Jane Sahadain, 1 buwang gulang na sanggol; Rajed Sahadin, driver; Jovanie Motasam, Norkyema Sahadain, at si Sarolan Sahadain.
Kabilang naman sa mga sugatan ay sina Dennis Espinosa, 36; Bantaud Sahadain, 14; Aljima Sahadain, 20; Soyla Sahadain, 45; Soriano Salig, 47; Alsedan Sahadain, 18; Arnold Espinosa, 40; Nadoja Sahadain, 16; Norsima Sahadain, 15; Alhambra Sahadain, 17; Jausan Abdul Sahadain, 60; at si Diane Motasam, 3.
Nadamay din ang mga nasugatang pedestrian na sina Arnulfo Pacatang, 64; Quinolan Pacatang, 5; at si Rogelio Pacatang, 52.
Base sa imbestigasyon nina PO2 Jundale Otero at SPO1 Nelson Dano ng Highway Patrol Group, nagsalpukan ang Suzuki multicab (MDZ 368), Isuzu forward (XTC 341) at ang Toyota Vios Sedan (LXA 943 ).
Nabatid na patungong Davao-Bukidnon ang Suzuki multicab nang sumalpok ang Isuzu forward sa Toyota Vios na huminto sa lugar upang magsakay ng pasahero.
Gayon pa man, sinalpok ng Suzuki multicab ang establisyemento sa tabi ng highway kung saan nahagip ang tatlong pedestrian.
Isinailalim na sa kustodya ng pulisya ang mga driver na sangkot sa karambola ng sasakyan.