TUGUEGARAO CITY, Philippines – Pinaniniwalaang panibugho dahil sa matinding selos, napatay sa saksak ang 32-anyos na misis ng kanyang mister na sinasabing adik sa bawal na droga sa Barangay Masadag, Sinait, Ilocos Sur kamakalawa. Anim na saksak sa katawan ang tumapos sa buhay ni Shiela Marie Villanueva, barangay treasurer habang nasakote naman ang suspek na si Sonny Villanueva, 33. Sa ulat ni P/Senior Insp. Arsenio Ramos, hepe ng pulisya ng Sinait, lumilitaw na kinompronta ng mister ang kanyang misis matapos mapakinggan nito na may tinatawag na love sa kanyang cellphone kung saan naghinala na may ibang lalaki ang kanyang misis. Upang maiwasang lumala ang kanilang alitan ay nagpasyang umuwi muna ang biktima sa bahay ng mga magulang subalit sinundan ito ng suspek kung saan isinagawa ang pamamaslang. Inamin naman ng suspek na lulong siya sa bawal na droga kaya nagawang patayin ang kanyang asawa.