Bus vs truck: 10 kritikal

CORDON, Isabela, Philippines – Tinatayang aabot sa 10-katao kabilang ang dalawang Tsino ang malubhang nasugatan matapos sumalpok ang pampasaherong bus sa nakaparadang truck sa gilid ng highway sa bayan ng Cordon, Isabela kahapon ng madaling-araw. Kabilang sa mga nasugatan ay sina Pablo Antonio Jr., driver ng bus;  Jun Puguhan, kundoktor; Bonifacio Arellano, Teresita Ibarra, Amelia Paludipan, Coderes Shirline, Kristine Lynne Abejo, Sheena Galvan, at ang  dalawang Tsino na sina Ling Liyang, 47; Wang Yong Sheng, 28, kapwa nakatira sa Parañaque City. Ayon sa imbestigasyon ni SPO4 Bernardino Labog, tinangka ng driver ng Florida Bus (BVR 369) na iwasan ang motorsiklo na sumulpot sa interseksyon kaya sumalpok ito sa truck (BUE 417) ni Salviejo Sadiri Molina  na nakaparada sa gilid ng highway sa Barangay Laurel. Agad namang isinugod ang mga nasugatang biktima sa Javonillos Hospital sa bayan ng Cordon at De Veras Medical Center sa Santiago City.

Show comments