Fighting Maroons ginarote Blue Eagles

Umasinta ng basket si PJ Palacielo ng National University laban sa University of the East sa UAAP men’s basketball.
UAAP Media Bureau

MANILA, Philippines — Kumapit sa tuktok ng team standings ang last year’s runner-up University of the Philippines matapos nilang bugbugin ang Ateneo de Manila University, 94-75 kahapon sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament na nilaro sa Araneta Coliseum.

Tumikada si James Payosing ng 17 points, tatlong rebounds at dalawang assists para akbayan ang Figh­ting Maroons sa solo top spot hawak ang 2-0 baraha habang nadungisan naman ang Blue Eagles matapos ang dalawang laro.

Sa fourth quarter umarangkada sa opensa ang UP kaya naman naging madali sa kanila ang pagdagit sa Ateneo sa harap ng 12,155 fans na nanood ng live

Dikitan ang naging iskor sa halftime kung saan ay lamang ng isang puntos ang Fighting Maroons 46-45, pero naghabol muna sila ng pitong puntos sa second quarter, 30-37 may 4:44 minuto pa sa second period.

Humarurot ang Fighting Maroons ng 11-0 run para agawin ang bentahe, 41-37 may 1:56 minuto bago ang third quarter.

Nagpatuloy ang pag-umento ng laro ng UP sa kalagitnaan ng third p­eriod kung saan ay lumubo sa siyam na puntos ang kanilang lamang, 58-49 may 4:48 minuto pa ang natitirang oras.

Samantala, nasilo ng National University ang unang panalo ngayong season matapos nilang pagulungin ang University of the East, 76-56 upang ilista ang 1-1 karta.

Mabilis na nakaba­ngon ang Bulldogs mula sa pagkakadapa sa una  nilang laro kontra defen­ding champion De La Salle University, 87-89 sa ope­ning day.

Humugot ng puwersa ang NU kina Reinhard Jumamoy at Mo Diassana para regaluhan ng panalo ang head coach nilang si Jeff Napa.

Nagtala si Jumamoy ng 12 points, apat na rebounds at tatlong assists habang si Diassana ay nagpasiklab ng 12 puntos at rebounds para sa NU na ipinalasap sa Red Warriors ang pangalawang sunod na talo.

Show comments