Back-to-back sa NLEX

Bumanat ng jumper si star guard Robert Bolick ng NLEX laban kay Didat Kanapi ng Terrafirma.
PBA

MANILA, Philippines —  Ikalawang sunod na panalo para kay bagong NLEX coach Jimmy Alapag.

Tinakasan ng Road Warriors ang Terrafirma Dyip, 101-100, para solohin ang liderato ng PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Ynares Center sa Montalban, Rizal.

Humakot si balik-import DeQuan Jones ng 30 points, 7 rebounds, 4 assists at 3 blocks at may 13 at 12 markers sina Schonny Winston at Ro­bert Bolick, ayon sa pagka­kasunod.

Sinundan ng NLEX ang naunang 114-75 pagmasaker sa guest team Macau para ilista ang 2-0 record sa Group A, habang bigo ang Terrafirma na maduplika ang 113-100 panalo sa Titan Ultra.

“I think the zone (defense) gave us some issues, and again that’s credit to Terrafirma and their staff. But I thought you know, we were able to get the stops when we needed it,” ani Alapag.

Itinayo ng Road Warriors ang isang 23-point lead, 90-67, sa huling 13 segundo ng third period mula sa three-point shot ni Tony Semerad.

Isang 15-2 atake ang inilunsad ng Dyip tampok ang mga triples nina import Justin Strings at CJ Catapusan para makalapit sa 82-92 sa 7:50minuto ng fourth quarter.

Ang four-point shot ni Bolick ang naglayo sa NLEX sa 101-91 kasunod ang magkadikit na tres ni Ahanmisi para ilapit ang Terrafirma sa 98-101 sa huling dalawang minuto ng laro.

Ang jumper ni Strings ang nagtabi sa Dyip sa 100-101 sa nalalabing 42.7 segundo, habang mintis ang tangkang 4-pointer ni Bolick sa posesyon ng Road Warriors.

Ngunit tumalbog ang 3-point attempt ni Strings sa panig ng Terrafirma sa pagtunog ng final buzzer na sumelyo sa panalo ng NLEX.

Show comments