Madi Mojdeh bumanat agad ng ginto sa Japan

Behrouz Mohammad Madi Mojdeh.
Chris Co

MANILA, Philippines — Nagparamdam agad ng lakas ang Behrouz Elite Swimming Team (BEST) sa pangunguna ni Behrouz Mohammad Madi Mojdeh na sumisid ng gintong medalya sa unang araw ng kumpetisyon sa 2024 Buccaneer Invitational Swimming Championships na ginaganap sa St. Mary’s International School swimming pool sa Tokyo, Japan.

Pinagharian ni Mojdeh ang boys’ 13-14 200m breaststroke matapos irehistro ang impresibong dalawang minuto at 35.63 segundo upang masungkit ang unang gintong medalya ng tropa sa torneo.

Inilampaso ni Mojdeh sina Japan bets Kenny Schamisso na nagtala ng 2:37.31 para magkasya sa pilak at Ousei Fukuda na may malayong 2:50.16 para sa tansong medalya.

“Talagang pinaghandaan ko itong tournament na ito dahil first time ko na magco-compete sa Japan. At masaya ako sa naging resulta dahil nakuha ko yung gold medal,” ani Mojdeh.

Magandang resbak ito para kay Mojdeh na nagkasya lamang sa pilak na medalya sa boys’ 13-14 400m Individual Medley kung saan nagsumite ito ng 4:47.99.

“Extra motivated din ako kasi nag-second place lang ako sa 400m IM kaya mas binilisan ko sa breaststroke para makuha ko yung top spot,” dagdag ni Mojdeh.

Maliban sa isang ginto at isang pilak mula kay Mojdeh, humirit din ng pilak na medalya ang nakababatang kapatid nitong si Mikhael Jasper Mikee Mojdeh.

Pumangalawa si Mikee sa boys’ 9-10 50m butterfly matapos isumite ang matikas na 38.01 segundo.

Nagdagdag ng pilak si Therese Annika Quinto sa girls’ 13-14 100m freestyle nang maorasan ito ng 1:04.58 — kapos ng bahagya laban kay Runa Arai ng Japan na siyang umokupa sa unang puwesto bitbit ang 1:03.13.

Nakasiguro naman si Juancho Jamon ng tanso sa boys’ 10-under 25m freestyle matapos magtala ng 19.21 segundo habang nanguna si Wang Pei Xuan ng China na ay 18.34 segundo at pumangalawa si George Shin ng Japan na may 19.03 segundo.

“It’s a good start for us. Motivated ang mga bata and hopefully makakuha pa kami ng mas maraming golds sa second day ng competition” ani BEST team manager Joan Mojdeh.

Show comments