RHJ isasabak ng TNT vs NLEX

Si import Rondae Hollis-Jefferson ang babandera sa TNT Tropang Giga kontra sa NLEX sa quarterfinals.

MANILA, Philippines — Mag-uunahan ang apat na koponan para sa unang panalo sa kani-kanilang best-of-five quarterfinals series ng PBA Season 49 Governors’ Cup.

Lalabanan ng Group A No. 1 TNT Tropang Giga ang Group B No. 4 NLEX ngayong alas-5 ng hapon sa Game One kasunod ang banatan ng Group B No. 1 Rain or Shine at Group A No. 4 Magnolia sa alas-7:30 ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium.

Sa 99-79 pagrapido ng Tropang Giga sa sibak nang NorthPort Batang Pier noong Linggo ay ipinahinga ni coach Chot Reyes si import Rondae Hollis-Jefferson para ihanda sa quarterfinals.

“You know, little bits of aches and pains here and there. That’s why we wanted to make sure that we’re as close to a hundred percent as possible,” ani Reyes kay RHJ. “But hopefully, Rondae should be OK for the playoffs.”

Inangkin ng Road Warriors ang No. 4 spot sa Group B matapos ang 103-99 overtime win sa Ginebra Gin Kings.

Muling aasahan ng TNT sina Hollis-Jefferson, RR Pogoy, Jayson Castro, Poy Erram at Kelly Williams katapat sina import DeQuan Jones, Robert Bolick, Anthony Semerad, Javee Mocon, Epoch Valdez at Baser Amer ng NLEX.

Sa ikalawang laro, mag-uunahan sa pagbangon mula sa pagkatalo ang Elasto Painters at Hotshots para pag-agawan ang 1-0 lead sa kanilang quarterfinals duel.

Nakalasap ang Rain or Shine ng 118-139 kabiguan sa talsik nang Blackwater habang nakatikim ang Magnolia ng 82-89 pagkatalo sa Converge noong Lunes.

Sa iba pang quarterfinals pairings, lalabanan ng Group A No. 2 Meralco ang Group B No. 3 Barangay Ginebra at sasagupain ng Group B No. 2 San Miguel ang Group A No. 3 Converge.

Kinuha ng Beermen si import EJ Anosike sakaling hindi makakalaro si Jordan Adams sa kanilang serye ng FiberXers.

Ang Nigerian-American forward ay ang Most Valua­ble Player ng National Basketball League (NBL) ng China para sa tropa ng Hefei Kuangfeng.

Show comments