Archers babalik agad sa porma

La Salle's Kevin Quiambao (17)

MANILA, Philippines — Matapos ang masaklap na pagkatalo tiyak na babangon agad ang defending champion De La Salle University sa pakiki­pagsagupa  sa Far E­astern University sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na lalaruin sa Araneta Coliseum ngayong araw.

Mananatiling si reig­ning Most Valuable Player, (MVP) Kevin Quiambao ang kakapitan ng Taft-based squad sa opensa sa pagsimula ng bakbakan nila ng Tamaraws sa alas-4:30 ng hapon.

Nadungisan ang malinis na karta ng Green Archers nang silatin sila ng University of the East Red Warriors 71-75 noong Linggo.

Tumikada si Quiambao ng 17 points, nine rebounds at five assists pero hindi sapat upang itaguyod sa panalo ang La Salle.

Tangan ang 3-1 karta, hindi lang si Quiambao ang huhugutan ng lakas ng Green Archers pati rin sila Michael Phillips at Vhoris Marasigan.

Matapos makausap ng sportswriters si Quiambao sa talo nila sa UE ay tumungo ito sa Enrique Razon Sports Complex para ensayuhin ang free throws.

“Buong game kasi sobrang malas talaga, I mean off night talaga. I think pumasok lang sa isip ko is i-engage yung crowd para ma-hype up ako. Wala talaga eh, sablay lang talaga. Sablay is sablay,” kuwento ni Quiambao.

Samantala, para sa Tamaraws, sisikapin nilang masuwag ang kauna-unahang panalo ngayong season matapos ang apat na salang.

Magbabanatan naman sa alas-6:30 ng gabi ang Adamson University Soa­ring Falcons at National University Bulldogs.

Tangan ng Bulldogs ang 1-3 record, habang 2-2 ang kartada ng Soaring Falcons.

Show comments