38 ginto nilangoy ng BEST sa PAI event

Ang Behrouz Elite Swimming Team na kumuha ng 38 golds, 23 silvers at 10 bronzes.
Chris Co

MANILA, Philippines — Magarbong tinapos ng Behrouz Elite Swimming Team (BEST) ang kanilang kampanya tangan ang ka­buuang 38 ginto, 23 pilak at 10 tansong medalya sa 2024 PAI National Age Group Championships na ginanap sa Teofilo Yldefon­so Swimming Pool sa Malate, Manila.

Sa huling araw ng kumpetisyon ay kumana pa ang BEST ng 13 ginto, pitong pilak at limang tanso.

Apat na miyembro ng BEST ang itinanghal na Most Outstanding Swimmer (MOS) sa pangu­ngu­na ni Mikhael Jasper Moj­deh na winalis ang lahat ng 10 gintong medalya nito sa Class A boys’ 9-year division.

Hataw ng ginto si Mik­hael Jasper sa 50m butterfly (38.60), 100m freestyle (1:16.98), 100m breaststroke (1:51.66), 200m free­style (2:45.76), 100m butterfly (1:34.70), 50m backstroke (39.94), 100m breaststroke (1:51.00), 200m IM (3:09.00), 50m freestyle (35.11) at 100m backstroke (1:23.90).

Kasama rin sa mga MOST winners sina Madi Mojdeh sa Class A boys’ 13-year, Elisa De Kam sa Class A girls’ 13-year at Yugo Cabana sa Class A boys’ 14-year.

Umani ang Immaculate Heart of Mary College-Paranaque pride na si Madi ng siyam na ginto at dalawang pilak at naglista si De Kam ng apat na ginto, limang pi­lak at isang tanso.

Manigning din si Caba­na na may anim na ginto, da­lawang pilak at isang tansong medalya upang masiguro ang MOS award sa kanyang kategorya.

Kasama rin ng BEST squad si World Junior Championships veteran Mi­caela Jasmine Mojdeh na nakasungkit ng apat na ginto at apat na pilak.

Show comments