Gilas training camp gumugulong na

MANILA, Philippines — Matinding ensayo agad ang pinagdaanan ng Gilas Pilipinas sa unang araw ng training camp nito sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.

Sumalang sa dalawang court practices ang Gilas Pilipinas kasama pa ang gym workout para mabilis na makuha ng tropa ang perpektong kundisyon.

Matatapos ang training camp ng Gilas sa Calamba ngayong araw bago bumalik sa Maynila para sa tuneup game ng Pinoy squad kontra sa Taiwan Mustangs sa Lunes sa Philsports Arena.

“Twice a day court practice and gym workout in between,” ani Gilas team manager Richard del Rosario.

Bangas ang lineup ng Gilas dahil wala si reigning PBA MVP Scottie Thompson na nagpapagaling pa sa kanilang back injury.

Wala pang pinapa­ngalanan ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) kung sino ang papalit sa puwesto ni Thompson.

Puwede namang pu­malit sa point guard position sina Chris Newsome, CJ Perez at Dwight Ramos dahil nagawa na ito dati.

Si Thompson ang ikatlong miyembro ng Gilas na nasa injury list.

Pinaghahandaan ng Gilas Pilipinas ang FIBA Olympic Qualifying Tournament na idaraos sa susunod na buwan sa Riga, Latvia.

Show comments