Thompson out sa Olympic qualifying

Scottie Thompson.
FIBA

MANILA, Philippines — Nabawasan ng puwer­sa ang Gilas Pilipinas papa­lapit sa FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Latvia sa susunod na buwan dahil sa back injury ni ace guard Scottie Thompson.

Hindi makaka­sali si Thompson sa qualifier pa­ra sa Paris Olympics dahil sa iniinda pang bulging disc injury na dahilan din ng hindi niya paglalaro sa unang bahagi ng katatapos lang na PBA Philippine Cup.

Si Thompson lang ang wala sa pagbubukas ng trai­ning camp ng Gilas ka­ha­pon sa Inspire Sports Aca­demy sa Calamba.

Halos kumpleto ang 12-man Gilas squad sa pa­­mumuno ni natura­lized pla­yer Justin Brownlee ka­sama sina PBA stars June Mar Fajardo, CJ Perez, Chris Newsome, Calvin Of­tana at Japeth Aguilar.

Maging ang mga Filipino imports sa abroad na sina Dwight Ramos, Kai Sotto at Carl Tamayo pati ang UAAP stars na sina Kevin Quiambao at Mason Amos.

Sina Aguilar at Amos ang pumalit kina Jamie Ma­lonzo at AJ Edu na umiinda rin ng calf at knee injuries, ayon sa pagkakasunod.

Naghahanda ang Gilas para makasungkit ng tiket sa Olympics sa pamamagitan ng OQT na lalarga sa Latvia sa Hulyo 2-7.

Isa ang tiket sa Latvia sa huling apat na upuan sa Paris.

Show comments