Germany nagpalakas sa VNL Finals spot

Ang ikalawang dikit na panalo ng mga Germans ang nagbigay sa kanila ng 4-5 record para umakyat sa No. 9 place sa VNL s­tandings.
Russell Palma

MANILA, Philippines — Kumana si opposite hitter György Grozer ng 21 points mula sa 18 attacks, isang block at dalawang service aces para igiya ang Germany sa 25-23, 25-27, 25-20, 25-23, paggupo sa France sa Pool 6 Week 3 ng Men’s Volleyball Nations League kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ang ikalawang dikit na panalo ng mga Germans ang nagbigay sa kanila ng 4-5 record para umakyat sa No. 9 place sa VNL s­tandings.

Pumalo si Moritz Rei­chert ng 11 points at may tig-10 markers sina Lukas Maase at Tobias Krick para patibayin ang kanilang pag-asa sa VNL Finals na nakatakda sa Lodz, Poland sa susunod na linggo.

Nagposte si Jean Patry ng 19 points buhat sa 16 attacks, isang block at dalawang service aces para sa 6-3 kartada ng mga Frenchmen na nanatili sa No. 5 spot.

May 16 markers si Tre­vor Clevenot kasunod ang 10 points ni Yacine Louati.

Kinuha ng Germany ang 2-1 abante bago nakatabla ang France sa 23-23 sa fourth set matapos ang setting error ni Maase.

Ngunit umiskor sina Reichert at Grozer ng dalawang sunod na puntos para selyuhan ang panalo ng mga Germans na naka­takdang harapin ang mga Canadians ngayong alas-11 ng umaga.

Matapos ang Canada ay lalabanan ng Germany ang USA sa Sabado at ang kulelat na Iran sa Linggo.

Show comments