Edu out sa Gilas lineup

AJ Edu of Gilas Pilipinas
FIBA

MANILA, Philippines — Bangas agad ang lineup ng Gilas Pilipinas hindi pa man nagsisimula ang FIBA Olympic Qualifying Tournament na gaganapin sa Riga, Latvia sa Hulyo.

Hindi maglalaro si bigman AJ Edu dahil nasa rehabilitasyon pa rin ito sa kanyang knee injury na nakuha noong nakaraang taon pa.

Kinumpirma ito ni Gilas head coach Tim Cone.

“AJ is out,” ani Cone.

Papalit sa puwesto ni Edu si veteran Gilas player Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra.

Matatandaang hindi rin nakalaro si Edu sa first window ng FIBA Asia Cup 2025 Qualifiers noong Peb­rero kung saan tinalo ng Pinoy squad ang Hong Kong at Chinese-Taipei.

Si Edu ang ikalawang miyembro ng Gilas na hindi makalalaro sa Olympic qua­lifiers.

Una nang umabsent si Barangay Ginebra standout Jamie Malonzo na nasa recovery period din matapos sumailalim sa operas­yon sa kanyang calf injury.

Si Ateneo standout Mason Amos ang pumalit sa puwesto si Malonzo.

Magsisimula na ang pukpukang ensayo ng Gilas sa Biyernes sa Ins­pire Sports Academy sa Calamba, Laguna.

Nais ni Cone na makumpleto ang 12 miyembro ng Gilas pool para mabilis na makabuo ng chemistry at game plan para sa Olympic qualifiers.

Sasabak sa training camp sina naturalized pla­yer Justin Brownlee, June Mar Fajardo, CJ Perez, Chris Newsome, Calvin Oftana, Dwight Ramos, Scottie Thompson, Kai Sotto, Kevin Quiambao at Carl Tamayo.

Matinding laban ang haharapin ng Gilas sa Olympic qualifiers dahil makakasagupa nito ang malalakas na koponang Georgia at Latvia.

Kailangan ng Gilas na makuha ang unang puwesto sa Olympic qualifiers para makapasok sa Paris Games.

Show comments