8 golds malalagas sa Team PH sa Southeast Asian Games

MANILA, Philippines — Malalagasan ang Team Philippines ng walong gintong medalya sa ika-33 edisyon ng Southeast Asian Games na idaraos sa Bangkok, Thailand sa susunod na taon.

Ito ay matapos tanggalin ng host Thailand ang apat na sports sa kalendaryo ng SEA Games kung saan 40 disiplina lamang ang lalaruin.

Wala sa listahan ang weightlifting, wushu, jiu-jitsu at karate na mga sports na nagbigay ng gintong medalya sa Pilipinas sa 32nd SEA Games sa Cambodia.

“We already appealed to the Thai hosts the inclusion of weightlifting, wushu, jiu-jitsu and karate,” ani Phi­lippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino.

Dumalo si Tolentino sa SEA Games Federation meeting sa Bangkok kung saan marami ang pumalag sa naging desisyon ng Thailand.

Inaasahang aapela ang mga miyembro ng SEA Games Federation Council members kabilang na ang Pilipinas para maibalik ang mga natanggal na sports.

“And it’s not only the Philippines which appealed, but a majority of the games members,” ani Tolentino.

Idaraos sa Thailand ang SEA Games mula Disyembre 9 hanggang 20 sa magkakahiwalay na venues sa Bangkok, Chonburi at Songkhla.

Sina jiu-jitsu athletes Kaila Napolis, Annie Ramirez at Marc Lim, wushu bet Agatha Wong, karate figh­ters Jamie Lim at Sakura Alforte at weightlifters Erleen Ando at Va­nessa Sarno ang naka ginto sa Cambodia SEA Games.

“We will lose a lot of gold medals if the appeal won’t be granted,” ani Tolentino.

Show comments