Souza binalikat ang Brazil vs Netherlands

Bumanat si Darlan Souza ng 26 points para sa pagbangon ng mga Brazilians mula sa naunang pagkatalo sa mga Slovenians sa Week 2.
Russell A. Palma

MANILA, Philippines — Pinadapa ng Brazil ang Netherlands, 24-26, 25-23, 31-29, 25-20, sa paghataw ng Pool 6 Week 3 ng Men’s Volleyball Nations League kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Bumanat si Darlan Souza ng 26 points para sa pagbangon ng mga Brazilians mula sa naunang pagkatalo sa mga Slovenians sa Week 2.

Nanood sa laban ang mga miyembro ng Alas Pilipinas women’s at men’s national team.

Hangad ng Brazil na mailista ang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa sa USA bukas habang makakatapat ng Netherlands ang Iran.

Nabalewala ang hinataw na 38 points ni Nimir Abdel-Aziz sa panig ng Netherlands na kinuha ang first set, 26-24, bago isinuko ang sumunod na tatlong sets sa Brazil.

Naitakas ng Brazil ang 25-23 at 31-29 panalo sa second at third frame, ayon sa pagkakasunod, bago komportableng talunin ang Netherlands sa fourth set.

Samantala, haharapin ng mga Americans ang mga Iranians ngayong alas-5 ng hapon matapos ang salpukan ng mga Germans at French spikers sa alas-3 ng hapon.

Ang mga tiket ay nagkakahalaga ng P8,000 (Courtside), P5,000 (Patron Premium), P3,000 (Patron Regular), P2,500 (Lower Box), P1,000 (Upper Box) at P500 (General Admission).

Show comments