Doncic, Irving binuhat ang Mavericks vs T-Wolves

Brinaso ni Luka Doncic ng Ma­vericks si Kyle Anderson ng Timberwolves sa Game 1.
STAR/File

MINNEAPOLIS — Inangkin ng Dallas Ma­vericks ang 1-0 lead sa Western Conference finals matapos talunin ang Minnesota Timberwolves, 108-105, sa Game One.

Iniskor ni Luka Doncic ang 15 sa kanyang 33 points sa fourth quarter habang may 30 markers si Kyrie Irving para banderahan Mavericks kontra sa Timberwolves sa kanilang best-of-seven series.

“We made important ones,” sabi ni Doncic na kumamada ng solong 7-0 ratsada sa loob ng 63 segundo sa fourth quarter para sindihan ang 13-0 atake at ibigay sa Dallas ang 97-89 abante.

Ang triple ni Anthony Edwards ang nagbigay sa Minnesota ng 102-98 kalamangan sa huling 3:37 minuto ng fourth period.

Naghulog naman ng isang 8-0 bomba ang Mave­ricks sa pamumuno ni Doncic para agawin ang 104-102 abante.

Nag-ambag si P.J. Washington ng 13 points habang may 10 markers at 9 rebounds si Daniel Gafford para sa Dallas.

Pinangunahan ni Jaden McDaniels ang Minnesota sa kanyang 24 points at nagdagdag sina Edwards, Karl Anthony-Towns at Naz Reid ng 19, 16 at 15 markers, ayon sa pagkakasunod.

“Terrible offense down the stretch: bad shots, turnovers, no composure,” ani Timberwolves coach Chris Finch. “We’ve got to be better in clutch moments.”

Show comments