Abando, Anyang naghiwalay na

MANILA, Philippines — Hindi na masisilayan sa aksyon si Rhenz Abando suot ang jersey ng Anyang Jung Kwang Jang Red Boosters para sa susunod na season ng Korean Basketball League.

Mismong ang dating Colegio de San Juan de Letran standout na ang nagpahayag na tapos na ang kontrata nito sa Anyang Jung Kwang Jang Red Boosters.

Dalawang taon ding naglaro si Abando para sa Anyang Jung Kwang Jang Red Boosters kung saan naging maganda naman ang resulta nito partikular na sa kanyang unang season.

“It was a great two-year ride. It was like a roller-coaster ride with a lot of ups and downs. But nonetheless, I learned a lot. Until we meet again,” ani Abando sa kanyang post sa social media.

Sa kanyang unang taon sa KBL, tinulungan nito ang Anyang Jung Kwang Jang Red Boosters na magkampeon sa regular season ng torneo.

Itinanghal pa itong kampeon sa KBL Slam Dunk Contest at naging bahagi ng KBL 3x3 All-Star Game champion.

Subalit hindi masyadong maganda ang kanyang ikalawang season matapos mabigong makapasok sa playoffs ang kanilang tropa.

Nagtapos lamang ang Anyang Jung Kwang Jang Red Boosters sa ikasiyam na puwesto sa katatapos na season ng KBL.

Naging masaklap pa nang magtamo ito ng back injury bago matapos ang 2023.

Ilang buwan na sumailalim sa rehabilitasyon si Abando kung saan hindi ito nakapaglaro ng 18 beses.

Noong Marso 3, nabigyan si Abando ng go signal para muling makalaro at hindi nito binigo ang Anyang matapos magtala ng 17 puntos, apat na rebounds at tatlong assists sa 28 minutong paglalaro.

Wala pang linaw kung saan lilipat si Abando.

Show comments