MANILA, Philippines — Isinalpak ni Arvin Tolentino ang isang game-winning jumper para itakas ang NorthPort kontra sa Blackwater, 115-113, sa Season 48 PBA Philippine Cup kahapon sa Caloocan Sports Complex.
Winakasan ng Batang Pier ang kanilang five-game losing slump para itaas ang baraha sa 5-6 at makasilip ng pag-asa sa quarterfinal round.
Tumapos si Tolentino na may 27 points.
Bagsak ang Bossing sa ikaanim na dikit na kamalasan para sa 3-6 kartada.
Ang jumper ni Tolentino sa huling pitong segundo ang nagbigay sa NorthPort ng 115-113 abante, habang kapos ang inihagis na three-point attempt ni Rey Nambatac sa huling posesyon ng Blackwater.
Nauna nang nagposte ang Batang Pier ng 19-point lead, 84-65, sa 5:28 minuto ng third period.
Ngunit hindi sumuko ang Bossing at nakatabla sa 94-94 galing sa turnaround jumper ni Troy Rosario sa 7:37 minuto ng fourth quarter.
Tuluyan nang naagaw ng Blackwater ang unahan sa 113-107 sa huling 1:44 minuto ng laro.
Dinala naman ni Tolentino ang NorthPort sa sariling dalawang sunod na drive at dalawang free throws para itabla ang laro sa 113-113.