Green, Sengun sanib-puwersa sa panalo ng Rockets sa Nuggets

Naglambitin si Rockets center Alperen Sengun matapos mag-dunk laban sa Nuggets sa second quarter.

HOUSTON — Kumabig si Fil-Am Jalen Green ng 25 points habang nagtala si Alperen Sengun ng 21 points at 14 rebounds para ihatid ang Rockets sa 105-86 paggupo sa nagdedepensang Denver Nuggets sa In-Season Tournament.

May 2-1 record ngayon ang Houston (8-6) sa torneo kumpara sa 2-2 marka ng Denver (10-6) na nabigo sa lima sa huli nilang  pitong laro sa regular season.

Tumapos si Nikola Jo­kic na may season-high 38 points bukod sa 19 rebounds at 8 assists para sa Nuggets.

Mula sa 15-point lead papasok sa fourth quarter ay pinalobo ng Rockets ang kanilang kalamangan sa 91-77 mula sa alley-oop dunk ni Green sa huling pitong minuto.

Sa Milwaukee, dinuplika ni Brook Lopez ang kanyang career high na 39 points sa 131-128 pagsuwag ng Bucks (11-5) sa Washington Wizards (2-13).

Sa Minneapolis, nag-lista si De’Aaron Fox ng 36 points at 12 assists sa 124-111 dominasyon ng Sacramento Kings (9-6) sa Minnesota Timberwolves (11-4).

Sa Memphis, bumitaw si Devin Booker ng season-high 40 points at may 20 markers si Eric Gordon sa 110-89 paggiba ng Suns (10-6) sa Grizzlies (3-12).

Sa Orlando, tumipa si Moritz Wagner ng 27 points sa 113-96 panalo ng Magic (11-5) sa Boston Celtics (12-4).

Show comments