Red Lions umeskapo sa Knights

MANILA, Philippines — Itinakas ng San Beda University ang 68-63 panalo kontra sa ‘three-peat’ champions Letran sa NCAA Season 99 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.

May 3-1 record ngayon ang Red Lions kasama ang dalawang sunod na ratsada kasabay ng pag­huhulog sa Knights sa ilalim ng team standings sa 0-4 marka.

Naagaw ng San Beda ang 64-63 bentahe matapos ang tirada ni Alex Vis­ser habang ang turnover ng Letran ang nagresulta sa dalawang free throws ni Jacob Cortez.

Bigo naman si Kurt Reyson sa kanyang three-point attempt sa panig ng Knights.

Samantala, giniba ng Lyceum of the Philippines University ang Arellano University sa overtime, 89-77, para patuloy na solohin ang liderato.

Humakot si Enoch Valdez ng 26 points, 14 rebounds at 4 steals para sa 5-0 baraha ng Pirates na nakahugot kina Mclaude Guadaña, JM Bravo at Greg Cunanan ng 20, 14 at 10 markers, ayon sa pagkakasunod.

Bagsak ang Chiefs sa 0-4.  

Show comments