MANILA, Philippines — Natameme ang Gilas Pilipinas kontra sa Jordan, 87-72, upang mabigong makasikwat ng direktang tiket sa quarterfinals ng 2023 Asian Games kahapon sa Hangzhou Olympic Sports Center Gymnasium sa China.
Kinapos ang habol ng Gilas mula sa 13-point halftime deficit nang maiwan sa panapos na ratsada ng Jordan upang magkasya lang sa 2-1 kartada ng Group C at malaglag sa qualification round.
Nasungkit ng Jordan ang No. 1 seed hawak ang 3-0 kartada at didiretso na agad sa quarterfinals kontra sa mananalo sa pagitan ng Saudi Arabia, segunda sa Group A, at Hong Kong na tersera sa Group B.
Ang Gilas, sa kabilang banda, ay kailangan munang manalo kontra sa Qatar sa knockout qualification upang makasabit pa rin sa quarterfinals kontra sa Iran, na winalis ang Group A.
Nalugmok agad ang Gilas sa 29-42 sa halftime pero hindi agad sumuko nang magpakawala ng 23-10 run upang makatabla sa Jordan.
Sumagot agad ang Jordan ng 13-0 kartada upang kumaripas sa 65-52 bentahe habang hindi na nakasagot ang Gilas tungo sa masaklap na 25 puntos na kabiguan.