Alas kasama sa All-Star Five ng FIBA U16 Asian tourney

Nilusutan ni Kiefer Louie Alas ng Gilas Pilipinas boys ang mga South Korean defenders.
FIBA.com

MANILA, Philippines — Napasama si Kiefer Louie Alas sa All-Star Five matapos gabayan ang Gilas Pilipinas boys sa semifinal finish sa 2023 FIBA U16 Asian Championship kahapon sa Al-Gharafa Sports Club Multi-Purpose Hall sa Doha, Qatar.

Bagama’t talo ang Gilas sa China sa agawan sa third place, 59-87, ay nagningning pa rin si Alas para sa magandang pagtatapos ng kanilang kampanya.

Tumikada ang anak ni dating PBA coach Louie Alas at utol ni NLEX guard Kevin Alas ng 13 points, 5 rebounds, 2 assists at 4 steals at may 15 markers si Joaquin Gabriel Ludo­vice para sa mga Gilas na nakamit ang tiket sa 2024 FIBA U17 World Cup sa Turkey.

Sa kabuuan ay nagtala si Alas ng mga average na 15.4 points, 8.6 rebounds at 2.6 assists sa pitong laro tampok ang 29 points kontra sa Japan upang igiya ang Gilas boys sa semifinals at sa U17 World Cup bukod pa ang paglagpas sa 7th place finish noong nakaraang edisyon.

Nakasama niya sa All-Star Five sina Oscar Goodman ng New Zealand na tinanghal na MVP at sina Lachland Crate ng New Zealand, Henry Sewell ng kampeon na Australia at Boyuan Zhang ng China.

Samantala, nasungkit ng Australia ang ikatlong sunod na korona matapos daigin ang New Zealand sa finals, 79-76.

Show comments