Schroder kasama sa All-Star Five ng FWC

Dennis Schroder of Germany
Philstar.com / Martin Ramos

MANILA, Philippines — Limang guwardiya, sa pangunguna ni tournament MVP Dennis Schroder ng Germany ang tinanghal na All-Star Five sa katatapos lang na 2023 FIBA World Cup.

Kumamada ng 19.1 points, 6.1 assists, 2.0 rebounds at 1.4 steals si Schroder sa walong laro sa torneong winalis ng Germany tampok ang 83-77 panalo kontra sa Serbia upang masikwat ang u­nang korona sa World Cup.

Sa finals ay umariba si Schroder sa 28 points kasama ang lay-up para masiguro ang makasaysayang kampeonato ng Germany matapos ding daigin ang Team USA, 113-111, sa semis.

Swak din sa All-Star team si Bogdan Bogdanovic ng runner-up na Serbia sa kanyang 9.1 points, 4.6 rebounds, 3.3 assists at 2.2 steals averages.

Kinumpleto nina Shai Gilgeous-Alexander (24.5 points) ng bronze medalist Canada, Anthony Edwards (18.9 points) ng No. 4 USA at leading scorer na si Luka Doncic (27.0 points) ng No. 7 Slovenia ang All-Star squad.

Tinanghal namang Wan­da Rising Star si Josh Giddey ng Australia at pasok sa All-Second Team sina Franz Wagner ng Germany, Nikola Milutinov ng Serbia, Simone Fontecchio ng Italy,  Jonas Valanciunas ng Lithuania at Arturs Zagars ng Latvia.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon para sa mga dagdag na awards ng FIBA World Cup kasama na rin si Dillon Brooks ng Canada bilang Best Defensive Player at Latvia head coach Luca Banchi bilang Best Coach.

Show comments