Altas, Knights sa semis

Tinangkang supalpalin ni Mark Meneses ng Gymers si Cyrus Nitura ng Altas.
PBA Image

MANILA, Philippines — Giniba ng University of Perpetual Help System Dalta ang PSP habang dumaan muna sa butas ng karayom ang Wangs Basketball-Letran papasok sa semifinals ng 2023 PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Paco Arena sa Manila.

Sinibak ng Altas ang Gymers, 97-90, at tinakasan ng Knights ang Centro Escolar University Scorpions sa overtime, 94-87, sa kani-kanilang quarterfinal matches.

Lalabanan ng Perpe­tual ang nagdedepensa at No. 1 EcoOil-La Salle at haharapin ng Wangs-Letran ang No. 2 Marinerong Pilipino-San Beda sa best-of-three semifinals series na magsisimula bukas.

Hindi na nagamit ng No. 3 Altas at No. 4 Knights ang hawak nilang twice-to-beat advantage sa quarterfinals laban sa No. 6 Gymers at No. 5 Scorpions, ayon sa pagkakasunod.

“It’s our first time in the D-League semifinals after three stints. It’s our first time to reach this feat, so sana maging maganda,” ani Perpetual coach Myk Saguiguit.

Kumolekta si Cyrus Nitura ng 20 points, 5 rebounds, 4 assists, 2 steals at 1 block at nag-ambag si John Abis 19 puntos.

Bumida naman si Kyle Tolentino sa panalo ng Letran matapos kumamada ng isang layup at krusyal na three-point shot sa hu­ling 59.6 segundo ng extra period para iwanan ang CEU sa 92-87.

Humataw si Kurt Reyson ng 27 points para sa Knights na bumalikwas mula sa 64-70 agwat sa 5:57 minuto ng fourth period patungo sa overtime.

Show comments