MANILA, Philippines — Target ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na makuha ang serbisyo ni NBA champion coach Erik Spoelstra ng Miami Heat upang maging consultant ng Gilas Pilipinas.
Paghahandaan ng Gilas Pilipinas ang pagsabak nito sa FIBA World Cup sa susunod na taon na magkakatuwang na iho-host ng Pilipinas, Japan at Indonesia.
Kaya naman nais ng SBP na bumuo ng solidong team para makasabay sa mga world-class players na darating sa Pilipinas para sa World Cup.
At isa si Spoelstra sa nakikita ng asosasyon na may malaking maitutulong sa Gilas Pilipinas.
“I hope he (Spoelstra) says yes,” ani Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes.
Wala pang inilalatag na offer ang SBP.
Ngunit inaasahang paplantsahin na ito ng grupo lalo pa’t mahigit isang taon na lamang ang nalalabi bago ang FIBA World Cup.
Malaki ang maitutulong ni Spoelstra sa Gilas Pilipinas dahil malalim ang karanasan nito partikular na sa paghawak ng isang team.
Hindi biro ang mga hinawakan ni Spoelstra dahil dumaan na sa palad nito ang ilang NBA superstars gaya nina Lebron James at Dwayne Wade.
Proud si Spoelstra sa pagkakaroon nito ng dugong Pinoy.
Makailang ulit na itong bumisita sa Pilipinas.
Pinay ang ina nitong si Elisa na mula sa San Pablo, Laguna.
Nakikibahagi rin si Spoelstra sa mga fundraising sa tuwing dumaraan sa kalamidad ang Pilipinas.
Kaya naman hindi maitatanggi na malapit ang puso ng NBA champion coach sa Pilipinas.