MANILA, Philippines — Patuloy ang pananalasa ng Pinoy karatekas matapos humakot ng apat na ginto at isang pilak na medalya sa E-Karate World Series #1.
Sa pagkakataong ito, bumandera sa kampanya ng Pinoy squad ang bagitong karateka na si Fatima Hamsain na bumanat ng tatlong gintong medalya sa magkakaibang events.
Namayagpag si Hamsain sa Shotokan e-Kata individual female U16 class makaraang payukuin nito si Zoby Antoun ng Germany sa gold-medal match sa bisa ng 23.9-22.8 desisyon.
Nagpatuloy ang pag-ariba ni Hamsain na naka-ginto pa sa Shotokan e-Kata individual female U18 kung saan tinalo nito ang kababayang si Christina Karen Colonia (24.4-23.5).
Hindi pa nakuntento si Hamsain nang kubrahin nito ang ikatlong ginto sa U15 e-Kumite female.
Pinataob ni Hamsain sa finals ang karibal mula Greece (23.3-21.9).
Muli namang umariba si World No. 1 Orencio James De Los Santos matapos masungkit ang isa pang ginto sa kanyang dibisyon.
Tinalo ng 30-anyos Cebuano si Domont Matias Moreno ng Switzerland, 25.6-24.4 desisyon para masikwat ang ginto.