MANILA, Philippines — Sumali na rin si F2 Logistics wing spiker Ara Galang sa jersey auction na naglalayong makalikom ng pondo para sa personal protective equipment (PPEs) ng mga frontliners na katuwang ng gobyerno sa pagpuksa ng coronavirus disease (COVID-19).
Nagbigay si Galang ng jersey na ginamit nito sa De La Salle University noong naglalaro pa ito sa University Athletic Association of the Philippines.
Isinama na ito sa jersey auction ni dating Ateneo de Manila University playmaker Jia Morado na siyang nagpasimula ng fundraising.
“We would like to thank Ara Galang for unexpectedly reaching out to share the jersey of one of the most talented and humble players in the country,” ayon sa grupo ni Morado.
Nagpasalamat si Morado kay Galang at sa lahat ng mga tumugon sa panawagan.
“It’s very touching to see people come together for a great cause. Let us continue supporting the ongoing relief efforts happening in the country right now. Together, we can! For our frontliners, we will!,” ani Morado.
Maliban kay Galang, nagbigay din ng jersey for auction sina University of Santo Tomas players Eya Laure, Imee Hernandez, Maji Mangulabnan at Janna Torres.
Inaasahang madaragdagan pa ito sa oras na magbigay ng jersey ang iba pang volleyball stars sa bansa.
Umabot na sa mahigit P230,000 ang pondong nalikom ni Morado bukod pa ang kikitain sa jersey auction na nakatakdang magtapos sa Abril 1 sa alas-12 ng tanghali.
Gagamitin ang pondo para makabili ng mga PPEs para sa mga health workers at iba pang frontliners sa iba’t ibang panig ng bansa.