HD Lady Spikers dadalawa sa Lady Blaze Spikers Tornadoes, Raiders unahang bumangon

MANILA, Philippines – Mag-uunahan ang Foton Tornadoes at RC Cola-Air Force Raiders sa pagputol sa tatlong sunod na kabiguan sa isasagawang 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix women’s volleyball tournament  ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Sa ganap na alas-4:15 ng hapon magsisimula ang paligsahan at ito ang huling laro para magwakas ang first round elimination sa ligang inorganisa ng SportsCore na handog ng Asics at Milo at suporado ng Mikasa, Senoh at Mueller na ipinalalabas sa TV5.

Ang ikalawang laro dakong alas-6:15 ng gabi ay pasimula sa ikalawang ikutan at magtutuos uli ang nangungunang Cignal HD Lady Spikers at nagdedepensang kampeon Petron Lady Blaze Spikers.

Winalis ng Cignal ang limang laro na hinarap pero mapapalaban sila sa Petron na nais na maipaghiganti ang nalasap na 18-25, 17-25, 25-16, 25-18, 16-14 pagkatalo sa pagbubukas ng liga noong Oktubre 10.

Si Ariel Usher na gumawa ng conference-high 36 puntos sa four-set panalo laban sa Raiders, ang mananalasa uli upang tumibay ang paghahabol ng puwesto sa Final Four.

Tiyak na handa naman ang Lady Blaze Spikers at aasa sa magandang pagtutulungan ng mga locals sa pamumuno ni Dindin Manabat at mga Brazilian imports na si Rupia Inck at Erica Adachi.

Dahil mahahalaga na ang resulta ng bawat labanan kaya’t gagamitin na mula ngayon ang video challenge system upang makaiwas sa kontrobersya ang liga mula sa posibleng maling tawag sa mga laro.

Show comments