MANILA, Philippines – Lalo pang gumaling ang laro ng baguhang si Nicole Tiamzon para bigyan ang Foton Tornadoes ng 25-17, 25-17, 25-17, panalo laban sa Shopinas Lady Clickers sa Philippine SuperLiga All-Filipino Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ang dating manlalaro ng UP Lady Maroons ay naghatid ng 19 puntos sa 15 kills at tatlong aces para ibigay sa Foton ang ikalawang panalo sa tatlong laro sa ligang inorganisa ng SportsCore katuwang ang Asics, Mikasa, Senoh, Mueller Sports Medicine, Via Mare, LGR at Healthway Medical.
“Hindi ko binibigyan ng pressure ang team kaya naman lumalabas ang kanilang natural na laro gaya ni Tiamzon,” wika ni Foton coach Villet Ponce-de Leon.
Bukod kay Tiamzon ay gumawa rin sina Patty Orendain at Angeli Araneta ng 13 at 7 puntos para ipatikim sa Shopinas ang kanilang unang pagkatalo matapos ang magkasunod na panalo.
Tatlong kills ang ginawa ni Tiamzon para ibigay sa Tornadoes ang 16-14 kalamangan at hindi na nila binitiwan ito tungo sa straight sets panalo.
Ang mga beteranang sina Cha Cruz at Stephanie Mercado ay nagkaroon lamang ng tig-limang puntos upang magtabla ang dalawang koponan sa ikalawang puwesto sa itaas ng Petron Lady Blaze Spikers na may 2-0 baraha. (AT)