MANILA, Philippines – Diniskaril ng National University Lady Bulldogs ang target na playoff ng UP Lady Maroons sa itinarak na 25-21, 25-16, 25-15, panalo sa pagtatapos ng 77th UAAP women’s volleyball elimination round kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Pinatahimik nina Jaja Santiago, Myla Pablo at Jorelle Singh ang malaking bilang ng supporters ng Lady Maroons para maisakatuparan ang inasintang 8-6 baraha para sa pagtatapos ng kampanya sa double round elimination.
Si Santiago ay humataw ng 17 hits mula sa 13 kills at apat na blocks habang si Pablo ay may 11 kills tungo sa 12 hits upang itulak ang NU sa 36-21 bentahe sa attack points.
May 10 hits pa si Singh na kanyang sinahugan bitbit ang tatlong aces.
Ito ang ikasiyam na kabiguan matapos ang 14 laro ng Lady Maroons para tutluyang mamaalam na sa kompetisyon.
“Kailangan namin ito para magkaroon ng momentum sa semifinals,” wika ni NU coach Roger Gorayeb na nakuha ang ikaapat na sunod na panalo.
Ang mga dating sinasandalan na sina Nicole Tiamzon at Marian Buitre ay nalimitahan lamang sa tig-walong hits habang may apat na puntos lamang si Angeli Araneta na nasa kanyang huling taon ng paglalaro sa UP.
Dahil sa pagkatalong ito, ang UST Tigresses at FEU Lady Tamaraws ang siyang magtutuos sa playoff para madetermina kung sino ang kukumpleto sa maglalaro sa step-ladder semifinals.