INCHEON, Korea – Sinusuring maigi ng mga duktor ng Philippine delegation ang 19-anyos na bowler na si Enrico Lorenzo Hernandez dahil sa matinding pananakit ng tiyan.
Kinailangan pang saksakan ng intravenuous fluid si Hernandez para hindi mauwi sa dehydration ang kanyang kaso at pinaniniwalaan na nakuha ang sakit sa pagkain na isinilbi sa Athletes’ Village dining hall.
“He’s the only one affected, so it could be just one food served at the dining hall. We suspect it was the duck,” wika ng delegation doctor na si Ferdinand Brawner.
Ginagawa ng mga duktor ng koponan ang lahat para bumuti agad ang kondisyon ni Hernandez lalo pa’t ang aksyon sa bowling ay magsisimula dalawang araw mula ngayon.
Sa Guanzho Asiad, ang bowling ay naghatid ng isa sa tatlong gintong medalya noong 2010 sa pagbibida ni Biboy Rivera.
“We’re hoping he recovers fast,” ani Brawner kay Hernandez.